Home » Post Item » ang aking "blog"
ang aking "blog"
October 8, 2007Sa una kong "blog" (salamat sa Friendster), pinag-isipan kong mabuti kung sa salitang Ingles o Pilipino ko ba ito isusulat. Sa totoo lang, hindi ako kagalingan sa Ingles. Pawang mabababaw na salita lamang ang alam kong isulat dahil una, natatatakot akong mapagkamalang tanga dahil hindi ko alam ang saktong ibig sabihin ng mga salitang maari kong gamitin at pangalawa, dahil tanga talaga ako sa subject-verb agreement. Kaya salamat na din sa bagong telepono na ginagamit ko, nasasanay ako sa pagsulat ng salitang Pilipino na hindi "Wer n u? d2 n me." kundi "Asan ka na baga?! Andine na ako!".
Nasanay akong magsulat sa Pilipino, mali daw kase pag sinasabi kong Tagalog, dahil ang tagalog ay isang grupo ng mamamayan na naninirihan sa Luzon at hindi isang klasipikasyon ng salita. O sige, payag na,Pilipino kung Pilipino. Sa aking palagay, mas madali kase sa akin ang sumulat sa tagalog,este pilipino pala.Una, dahil napakahirap isalaysay sa kwento ang mga pangyayari sa araw araw kong buhay kung Ingles ang aking gagamitin, dahil aminin ko man o hindi, puro mga jologs talaga ang kasama ko,hindi sanay sa usapang ingles.Pangalawa,dahil kung ako ang magbabasa, mas nararamdaman ko ang nakapaloob sa isang kwento kung hindi ko na kelangang basahin ng dalawang ulit para maintindihan ang nilalaman nito,(inamin ko naman di ba? Tanga ako madalas sa Ingles). at pangatlo, dahil nanalo ako sa pagsulat ng sanaysay noong Grade 3 ako,ibig sabihin ito ang forte ko.Tama!
Bilib ako sa mga nakakapagsulat ng "blog" na may nakapaloob na napakalalalim na salitang ingles. Para kaseng sinisisi ko ang sarili ko baket ba hindi ako nakinig sa titser ko nung nagtuturo siya ng subject-verb agreement.Dahil nung mga panahong yon ay nagdodrawing ako ng carebears na may kulay gamit ang bolpen kong blue at red.Marami na akong librong nabasa na sa katagalan ay natapos ko din, na nasusulat sa salitang Ingles at hindi matatawaran ang paghanga ko sa kanila.Gusto ko ding magsulat,hindi man mapantayan ang galing nila,ang magkaroon lamang ng pagkakataong masabi ang nasa magulo ko ng utak upang mabawasan ang mga bagay na patuloy pang nagpapagulo dito.
Gusto kong magsulat,ang ipaalam sa mga katulad ko na hindi sila nagiisa na naguguluhan sa mundong ito, na hindi sila lamang ang naguguluhan kung dapat bang iabot ang bayad ng bagong sakay kahit pareho kayong nasa dulo ng sinasakyan nyong dyip at hindi sila lamang ang nagtataka kung bakit hindi ka makabanyo ng walang hawak na sigarilyo.
All comments are moderated. Your comments will not appear here unless approved by the blog owner. Thank you.

